Tuguegarao City – Matagumpay ang unang biyahe ng Philippine Airlines (PAL) patungo sa Tuguegarao City, Cagayan matapos itong isara noong panahon ng pandemya.
Ayon sa pahayag ng PAL, ang unang biyahe mula sa Maynila patungo sa Cagayan Valley ay naganap nitong ika-28 ng Oktubre, alas otso kuwarentay-singko ng umaga (8:45am) at dumating sa Tuguegarao ng alas nuebe kwarentay-tres (9:43am) na mayroong 170 na sakay na pasahero. Ang pabalik naman na biyahe mula Tuguegarao patungong Maynila ay nangyari noong alas diyes singkwentay-kwatro (10:54am) at dumating sa Maynila ng alas onse kwarentay-dos ng umaga (11:42am).
Ang pagbabalik ng PAL sa pamamagitan ng eroplanong Airbus 320 ay mainit na sinalubong ng LGU Tuguegarao City sa pangunguna ni City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que at ni City Tourism Officer Gina Adducul at iba pang opisyal ng lungsod. Dumalo rin sa muling pabubukas ng byahe ng PAL si Cagayan Governor Manuel N. Mamba. Nagsagawa din ng Water Canon Salute, bilang pagkilala at pasasalamat sa pagbabalik ng operasyon ng PAL sa lungsod.
Sa naging mensahe ni Mr. Rabbi Vincent Ang, ang Pangulo ng PAL Express, kinilala niya ang naging pagsuporta nina Honorable Governor Manuel Mamba, Atty. Charo Mamba-Villaflor, at City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que sa pagbabalik ng operasyon ng PAL. Nagpasalamat din siya sa lahat ng nag-ambag, nakisama, at sumuporta sa makasaysayang pagbabalik ng kanilang serbisyo sa lungsod.
Pinasalamatan naman ni Mayor Maila ang PAL sa patuloy nitong serbisyo para sa promosyon ng Tuguegarao City at lalawigan ng Cagayan sa buong bansa at sa buong mundo. “Malugod namin kayong inaabangan sa inyong tahanan, at labis kaming natutuwa na kayo’y bumalik sa aming piling,” dagdag pa niya.
Ang Airbus 320 na may kapasidad na 178 upuan, at may araw-araw na biyahe mula sa Maynila patungo sa Tuguegarao ng alas-9:50 ng umaga sa ilalim ng PR 2014, at babalik naman papuntang Maynila ng alas-10:40 ng umaga sa PR 2015.
Maglakbay kasama ang PAL, bisitahin at tuklasin ang ating minamahal na Lungsod ng Tuguegarao! #PALbalikTuguegarao #PALTuguegarao #TuguegaraoCity #TuguegaraoCityTourism #ILoveTuguegarao
News Source: City Tourism Office